Eternal Death Wake

Annual  GothIC  Festival By SUBKULTURE

  
  

Itim ang kulay ng Halloween sa Eternal Death Wake

 

 

Pagdating ko sa Eternal Death Wake na ginanap sa B-Side, Makati City nitong Oktubre 31, tila naligaw ang suot kong bughaw na cardigan at pink na polo sa gitna ng mga nakaitim na goth, ang nag-organisa ng Halloween na pagdiriwang na iyon.
Kakaiba ang mga goth—mula sa kanilang pagkabighani sa kulay itim na makikita sa kanilang magagarbo at kakaibang pananamit, hanggang sa musikang pinapakinggan nila na tila makulimlim at mala-teatro.

Ayon sa goth.net, ang mga goth ay isang subkultura na may kakaibang panlasa sa musika, iba't ibang relihiyon, iba't ibang pamumuhay, libangan, at fashion sense ngunit kumportable naman silang kasama ang ibang tao na hindi tulad nila.

Sa aking pagpasok, tila isang magarbong circus ang aking natunghayan dahil sa kanilang mala-costume na kasuotan at pagdadala sa sarili.

Maraming naka-bodice, corset, boots, mahabang palda na may ruffles, studs at spikes, iba't ibang kulay na wig, at pag-anyong ibang karakter sa pamamagitan ng maskara.  

Kabilang sa mga palamuti sa mukha ang may mga hitsurang pusa, makakapal, maputi, at madugong make-up, at mala-bampirang contact lens habang nakikinig ng awitin na mahahalintulad sa isang teatro.

Ang bandang "Mister Bones and the Boneyard Circus" halimbawa, ay hindi mapapantayan ang kasuotan maliban sa kanilang namumukod-tanging musika.

Nakasuot ng blazer na may mantsa ng dugo ang bokalista ng banda, at sa loob nito ay may makapal na makalumang vest na parang nakita ko na sa isang bampirang pelikula. Mahaba at magulo ang buhok niya, at mayroon siyang kakaibang estilo ng pananalita at pag-awit.

Mala-saloon girl naman ang suot ng kasamahan nitong babae na mala-tigre o leon ang estilo ng pagkanta. Pati ang kanilang gitarista ay nakaitim, na hinaluan ng gold na maskara at top hat na may disenyong bungo sa harap.

Gayunman, may iilang dumalo na simpleng itim na damit, pantalon, at rubber shoes o tsinelas lang ang suot.

Kabilang sa kanila ang bokalista ng "Switch" na si Ian, na kasama sa mga bandang tumugtog sa naturang pagdiriwang.

Nakatali ang buhok, nakaitim na T-shirt at pantalon, ipinakita nitong hindi porke't goth ay kailangang magsuot ng kakaiba upang magkaintindihan ang isa't isa sa emosyon, musika, at sa kanilang kalooban. – YA, GMA News

Mga larawan kuha ni Mac Macapendeg

Itim ang kulay ng Halloween sa Eternal Death Wake